Pormal nang pinagtibay ng ASEAN ang Manila Declaration sa pagtatapos ng 2026 ASEAN Ministerial Conference on Disaster Resilience.
Inihayag ito ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr., na siyang nagsilbing chair ng Ministerial Meeting.
Ayon kay Teodoro, tatlo ang tinutugunan ng dokumento: ang pagpapabilis sa pagpapatupad ng ASEAN Agreement on Disaster Management and Emergency Response Work Program para sa 2026 hanggang 2030, ang pagpapalakas sa accountability at monitoring ng ASEAN pagdating sa disaster resilience, at ang paghubog sa disaster resilience agenda ng rehiyon tungo sa 2030 at higit pa.
Binibigyang-diin naman nito ang pangako ng ASEAN na isulong ang pandaigdigang disaster resilience at ibahagi ang mga aral at magagandang hakbang sa buong mundo.
Nakatakda nang iprisenta ang naturang dokumento sa mga lider sa 49th ASEAN Summit sa Nobyembre. Samantala, inihayag din ni Teodoro na nakatakdang mag-host ang Pilipinas ng ASEAN Defense Ministers Meeting at ng ADMM-Plus sa susunod na buwan, sa pangunguna ng DND.