Matagumpay at mapayapang natapos ang 2026 BARMM Parliamentary Elections matapos na makumpleto ang post-election activities sa buong rehiyon.
Batay sa Election Monitoring System ng Philippine National Police (PNP) as of 2 PM, umabot na sa 100% ang transmission at pagbibilang ng boto sa mahigit 1,000 na lokasyong mino-monitor nito.
Nakumpleto na rin ang canvassing sa mahigit 100 canvassing locations, gayundin ang pagbabalik ng election paraphernalia sa mga City o Municipal Treasurers’ Office.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr., ang maagang paghahanda at mahigpit na koordinasyon sa mga katuwang na ahensya ang naging dahilan ng mapayapang halalan sa BARMM.
Bagaman may mga naitalang isolated incident, natugunan naman ang mga ito sa pamamagitan ng kaukulang aksyon ng pulisya.
Pinuri rin ni Nartatez ang mga tauhang naglingkod sa BARMM, lalo na ang mga miyembro ng Special Elections Board at ang mga dineploy mula sa ibang Police Regional Office.
Patuloy namang magbibigay ng seguridad ang PNP habang nagpapatuloy ang natitirang proseso ng halalan. | ulat ni Diane Lear