Nanawagan ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa publiko na huwag gawing biro online ang pagbebenta o pagpapalit ng bato kapalit ng mga gadget.
Kasunod ito ng trend sa social media kung saan may ilang personalidad na nagbibiro tungkol sa pagbibigay o pagbebenta ng kanilang bato, kalakip ang mga larawang inedit o nilikha gamit ang artificial intelligence o AI.
Ayon sa NKTI, kahit biro lamang ang naturang mga post, maaari itong magdulot ng maling pag-unawa tungkol sa organ donation at transplantation, lalo na sa mga kabataan.
Binigyang-diin ng institusyon na ang bato at iba pang bahagi ng katawan ay hindi kalakal at hindi maaaring gamitin bilang pambayad o ipagpalit sa anumang bagay.
Maaari rin umanong magbigay ang ganitong content ng maling impresyon na legal ang pagbili o pagbebenta ng human organs at mabawasan ang pagpapahalaga sa mga donor, transplant recipients at mga pasyenteng naghihintay ng organ transplant.
Dahil dito, hinikayat ng NKTI ang publiko na maging maingat at responsable sa paggawa at pagbabahagi ng ganitong uri ng content, at patuloy na isulong ang legal na organ donation.
