Nakukulangan si PHILRECA Party-list Representative Presley De Jesus sa pondong nakalaan para sa Narcotic Detection Dogs o NDD K9 ng pamahalaan, na ginagamit sa pagtukoy ng ilegal na droga sa mga port of entry.
Sa kanyang interpellation kay Vice Chairperson Marcy Teodoro, tinanong ni De Jesus kung ilan ang kasalukuyang naka-deploy na NDD K9 sa mga customs, pantalan, regional at provincial offices, gayundin ang naging ambag ng mga ito sa mga drug seizure.
Ayon kay Teodoro, sa kabuuang 240 K9 dogs, 142 ang nakadeploy sa mga port of entry.
Ang iba aniya ay sumasailalim sa retraining at rehabilitation, habang mayroon ding mga unserviceable.
Aminado si Teodoro na kulang ang bilang ng K9 dogs.
Halimbawa aniya sa Cordillera, dalawa lamang ang K9 na nakatalaga sa lugar, sa kabila ng lawak ng rehiyon at problema sa ilegal na droga.
Ayon kay Teodoro, P2.9 milyon lamang ang nakapaloob sa 2027 National Expenditure Program para sa mga K9 kabilang ang maintenance, pagkain, breeding, training at mga pasilidad para sa mga ito. Para kay De Jesus, mababa ang naturang halaga dahil malaking tulong ang mga K9 sa pagtukoy at pagsamsam ng ilegal na droga, na umaabot umano sa bilyun-bilyong piso ang halaga.