Photo courtesy of DENR - MIMAROPA
Matapos makapagtala ngayong taon ng 12% na pagtaas sa bilang ng mga Tamaraw sa Mounts Iglit-Baco Natural Park (MIBNP) sa isla ng Mindoro, siniguro ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mas mahigpit na pagbabantay sa natural nitong tirahan at patuloy na paglaban sa banta ng ilegal na panghuhuli at pangangaso.
Base sa Annual Tamaraw Population Count na isinagawa mula April 15-20, 2026, naitala ang 425 Tamaraws sa MIBNP, mas mataas sa dating 380 noong taong 2025. Ang naturang bilang ay batay sa Intensive Concentration Count (ICC) o Simultaneous Multi-Vantage Point Count Method na ginagamit ng DENR simula pa taong 2000.

Sa panayam ng Kuwentuhang Green Mindset kay Occidental Mindoro Provincial Environment and Natural Resources Officer Efren Delos Reyes, na siya ring namumuno sa DENR – Tamaraw Conservation Program, binigyang diin nya ang malaking tulong mula sa law enforcement agencies upang maging katuwang ng Tamaraw Rangers sa pagprotekta sa lugar.
“Mahirap protektahan kasi kung DENR lamang o kung Tamaraw Conservation lamang, ‘yung Tamaraw ay hindi natin mapoprotektahan kung hindi natin poprotektahan ang tirahan nila, ang kagubatan. Kailangan natin talaga ng tulong upang sa gayon ay mapalakas pa natin, kailangan mayroon tayong tinatawag na force multiplier, ang maganda nga sana diyan, lahat ng tao, lalong-lalo na ‘yung malalapit na komunidad sa habitat ng Tamaraw ay partner natin,” saad ni Delos Reyes.

Nagpapasalamat din ang DENR sa mga katutubong grubo na kaisa sa pangangalaga sa mga Tamaraw at ng kalikasan.
“Meron kaming ginagawa ngayon na tinatawag naming “Dalaw Turo”, na ang priority community na pinupuntahan at pinapasyalan namin ay ‘yung komunidad ng mga kapatid nating katutubo. Ibinabahagi natin ang kahalagahan ng kalikasan, lalong-lalo na ‘yung mga Tamaraw na ipinagmamalaki natin, para sa gayon ay sila ang magiging kaagapay talaga natin, sila ang first line of defense sa pagprotekta ng Tamaraws at ng kanilang tirahan sa lugar,” dagdag pa ni PENR Officer.
Nakatakda ring magsagawa ang Tamaraw Conservation Program Office (TCPO) ng pagbibilang sa Siburan-Aruyan-Dangari-Iyason-Kinarawan (SADIK) Critical Habitat at Upper Amnay Watershed, kapwa natukoy na nagsisilbing tirahan ng mga critically endangered Tamaraws sa Mindoro.
Samantala, matatandaang Pebrero ngayong taon nang pasinayaan ang bagong tayong Tamaraw Conservation and Research Center (TCRC) ng DENR na matatagpuan sa San Jose, Occidental Mindoro.
Katuwang ang non-governmental organizations (NGOs) na D’Aboville Foundation at Mindoro Biodiversity Conservation Foundation, Inc. (MBCFI), gayundin ang iba pang academic and research institutions, inaasahang maisasakatuparan nito ang patuloy na science-based at evidence-based na tugon ng pamahalaan upang mapreserba ang mga Tamaraw na tanging sa Pilipinas lang matatagpuan.