Naglabas na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng unang batch ng financial assistance para sa mga operator ng modern public utility vehicles (PUVs).
Ayon kay Acting LTFRB Chair Greg Pua Jr., 16 na transport service entities ang unang nakatanggap ng ayuda na kabuuang ₱9,080,000.
Makakatanggap ng ₱20,000 kada buwan ang mga kwalipikadong operator para sa bawat modern PUV unit na may existing loan.
Maaari rin itong gamitin sa operational expenses ng mga operator na fully paid na ang kanilang units.
Magsisimula ang buwanang ayuda ngayong Setyembre at tatagal ng tatlong buwan o hanggang maubos ang inilaang pondo.
Sakop ng programa ang modern jeepneys at UV Express nationwide, at modern buses sa Metro Manila.