Mayroon nang 192,000 na mga estudyanteng mula sa 4Ps households ang nag-apply para sa Tertiary Education Subsidy.
Ito ay kasunod ng paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act No. 12325 o ang “Act Enhancing the Universal Access to Quality Tertiary Education Act,” na nagpapalawak ng access sa tertiary education at educational assistance para sa mas maraming Pilipino. Kasama sa prayoridad dito ang mga estudyante mula sa 4Ps families.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary Atty. Elaine F. Fallarcuna ng Conditional Cash Transfer Group, sa tulong nito, matitiyak na masusuportahan na ang pangarap at makapagtapos sa kolehiyo ang mga bata mula sa 4Ps.
Sa ngayon, tuloy-tuloy na aniya ang assessment at validation ng CHED-UniFAST sa mga aplikasyon.
Kabilang sa mga aplikante ang nasa 81,000 first-year students, 55,000 second-year, at 35,000 third-year students. Mayroon ding nasa 71,000 beneficiaries na nag-aaral sa private higher education institutions.
Bukod sa libreng tuition, kabilang sa mga benepisyo ang allowance para sa lodging at mga libro.
Tiniyak naman ng DSWD na susubaybayan ang mga benepisyaryo hanggang sa kanilang pagtatapos sa kolehiyo.