Tiwala ang Malacañang na maayos na mari-resolba ng mga senator-judges ang usapin sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro, sa gitna ng mga pangamba na maaaring magkaroon ng epekto ang magkakaibang pananaw ng amici curae o friends of the court na mga dating Chief Justice at Associate Justice ng Korte Suprema, sa requirement na 2/3 ng mga senador sa botohan.
Sabi ni Castro, hindi nangangamba ang administrasyon sa magiging resulta ng impeachment trial, lalo’t solong responsibilidad ito ng Senado.
Nasa pagpapasya ng aniya senator-judges ang kahihinatnan ng voting threshold, matapos marinig ang pananaw ng legal experts.
Kung ang Palasyo ang tatanungin, naging maganda ang talakayan sa Senado, dahil mas nalinawan ang taombayan at mga mambabatas.
“Naging maganda ang naging talakayan ng mga amicus curiae sa nasabing conference dahil mas naliwanagan ang taumbayan, naliwanagan din po siguro ang maraming mga mambabatas patungkol sa issue sa threshold ngunit ang pagpapasiya pong ito ay hindi magmumula sa mga kinikilalang naging parte ng Supreme Court, mga dating chief justices at mga associate justice.” —Castro.
Gayunpaman, ipinunto ni Castro na ang desisyon sa usaping ito, hindi maaaring manggaling sa inimbitahang retiradong justices, kundi nasa kamay lamang ng mga senador.
“Sila ay pawang mga opinyon, mga kaalaman na puwedeng magbigay ng karagdagang kaalaman sa pagpapasya ng mga Senador patungkol sa threshold.” —Castro. | ulat ni Racquel Bayan