Hinimok ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang National Irrigation Administration (NIA) na magsagawa agad ng proactive measures laban sa banta ng super El Niño na inaasahang magpapatuloy hanggang 2027.
Sa pagdinig sa panukalang 47.43 billion pesos budget ng NIA para sa 2027, iginiit ni Pangilinan na hindi dapat hintayin ng pamahalaan na tumama ang El Niño bago ayusin ang mga irrigation system at tiyaking sapat ang suplay ng tubig para sa mga magsasaka.
Aniya, kailangang maipatupad agad ang mga irrigation project at tiyaking napupunta sa mga magsasaka ang pondo para sa mga ito.
Binigyang-diin din ni Pangilinan ang pangangailangang tiyaking natatapos at aktuwal na gumagana ang mga ipinangakong proyekto, lalo na sa harap ng mga extreme weather event.
Ipinahayag din ng senador ang pagkabahala sa nabawasang pondo para sa irrigation repairs at hiniling ang buong pagsisiwalat sa publiko ng mga kontrata.
Giit niya, dapat bayaran lang ang mga contractor kapag ganap nang natapos ang kanilang mga proyekto. | ulat ni Nimfa Asuncion