Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang isang lalaki matapos mag-eskandalo at pagbantaan ang isang security guard sa Arrival Area ng NAIA Terminal 3 nitong Setyembre 16.
Ayon sa ulat ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP), sinabihan ng guwardiya ang suspek na huwag dumaan sa hindi otorisadong lugar dahil sa isinasagawang konstruksyon para sa proposed subway project.
Sa halip na sumunod, nag-alburoto ang suspek at minura at binantaan ang guwardiya.
Mas lalo pang uminit ang sitwasyon nang rumesponde ang Mobile Patrol Security Unit. Patuloy pa ring nanlaban at nagbanta ang suspek kahit na inaaresto na at binabasahan ng kanyang karapatan.
Dinala na ang suspek sa himpilan ng MPSU at pormal itong sinampahan ng kasong Grave Threats at Resistance and Disobedience to a Person in Authority sa ilalim ng Revised Penal Code.
Nagpaalala naman si PBGEN Dionisio Bartolome Jr., Director ng PNP AVSEGROUP, sa publiko na mahalaga ang pagsunod sa mga patakaran at paggalang sa mga awtoridad sa loob ng mga paliparan upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat.