Inilunsad ngayong araw sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) ang Veterans Enhanced Screening, Testing and Treatment for Tuberculosis (VEST-TB), na bahagi ng PH-US Tuberculosis Care and Prevention Project.
Inisyatiba ito ng US Government na popondohan ng US$183,000.
Pinangunahan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at US Ambassador to the Philippines Lee Lipton ang paglulunsad ng proyekto at ceremonial handover ng US-donated TB prevention supplies sa VMMC.
Layon ng VEST-TB na palakasin at gawing mas accessible at sustainable ang TB services para sa mga beterano, at kanilang mga pamilya.
Ayon kay VMMC Director Dr. Peter Paul Ruben Galvez, makatutulong ang programa para mapalawak ang TB screening para sa mga beterano lalo’t isa lamang sa bawat limang beteranong may TB ang nagagamot sa VMMC. Target ng programa na maabot ang 8,000 indibidwal para sa TB screening.
Nagpasalamat naman si Sec. Teodoro sa US Government sa suporta nito sa pangangalaga sa kalusugan ng mga beteranong nagsilbi sa bansa.
Inatasan din ni Teodoro ang Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) na maging aktibo sa field, kabilang ang pag-iimbentaryo ng mga beterano at pagpapalakas ng mga Valor Clinics.