Nagsagawa ng walkthrough at ocular inspection sa mga pangunahing kalsada at lugar sa Maynila si National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge Brig. Gen. Christopher Abrahano bilang paghahanda sa mga rally na nakatakda sa Setyembre 21 sa Metro Manila.
Sinimulan ni Abrahano ang inspeksyon sa CRB (Chino Roces Bridge) sa Mendiola at nagtungo sa JP Laurel Street, Ayala Bridge, TIP Manila, San Sebastian Church, University of the East at Legarda.
Layunin ng inspeksyon na personal na makita at masuri ni Abrahano ang mga rutang maaaring gamitin at mga lugar na maaaring pagdausan ng mga aktibidad habang naghahanda ang NCRPO para sa mga inaasahang kilos-protesta.
Binigyang-diin ni Abrahano na kailangang manatiling alerto ang mga pulis sa mga kondisyon sa mga nasabing lugar, mapanatili ang kaligtasan at kaayusan ng publiko, at igalang ang karapatan ng mga mamamayan sa mapayapang pagtitipon.
