Nakikipag-ugnayan ang Department of Energy (DOE) sa Bureau of Fire Protection (BFP) para gumawa ng bagong safety rules para sa mga electric vehicle (EV) at lithium-ion battery sa ilalim ng 2026 implementing rules and regulations ng Fire Code.
Ginawa ito matapos ang sunog sa isang ferry na patungong Coron, Palawan, kung saan mahigit 70 katao ang nasawi. Ayon sa paunang imbestigasyon, posibleng isang EV ang naging sanhi ng sunog. Gayunman, patuloy pa ang imbestigasyon.
Samantala, pansamantalang ipinagbawal ng Montenegro Shipping Lines ang pagsakay ng mga electric at hybrid vehicle sa kanilang mga barko.
Sinabi ng DOE na nauunawaan nito ang hakbang ng shipping company habang wala pang malinaw at pare-parehong safety standards para sa pagdadala ng EV at hybrid vehicles sa mga barko.
Nakikipagtulungan din ang DOE sa Maritime Industry Authority (MARINA) para gumawa ng mga patakaran sa ligtas na pagsakay ng mga EV at hybrid vehicle sa mga barko.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, “Safety must come first” o dapat unahin ang kaligtasan.
Sinabi ng DOE, na layunin nitong magkaroon ng mga patakarang nakabatay sa siyensya upang maprotektahan ang mga pasahero at barko habang patuloy na sinusuportahan ang paggamit ng electric vehicles sa bansa.