Inaasahang tataas ang projected revenue collection ng Department of Energy sa 2027.
Mula sa tinatayang P6.06 bilyon ngayong 2026, maaari itong umabot sa P23 bilyon sa susunod na taon.
Malaking bahagi nito ay magmumula sa Malampaya Gas Fund, na inaasahang kikita ng humigit-kumulang P20.01 bilyon sa 2027, mula sa P4.22 bilyon ngayong taon.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, maaari pang tumaas ang kita sa 2028 dahil sa mga bagong nadiskubreng natural gas reserves.
Kabilang dito ang Malampaya East-1 at Camago-3 wells na may tinatayang 222 bilyong cubic feet ng natural gas. Ayon sa DOE, maaari nitong mapahaba ang operasyon ng Malampaya hanggang 2034 at makatulong sa suplay ng natural gas sa bansa.
Bagama’t mas maliit ang bagong pondong kailangan mula sa Kongreso, 25.7 porsyento pa ring tataas ang kabuuang budget ng DOE, mula P4.43 bilyon ngayong 2026 tungo sa P5.58 bilyon sa 2027.
Gagamitin ang pondo para sa mga programa sa energy security, pagpapalawak ng kuryente, pagpapaunlad ng likas na yaman at digitalization.