Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga grupong magkakasa ng kanilang mga aktibidad sa September 21 na bantayang maigi ang kanilang hanay.
Ito’y para hindi na maulit pa ang marahas na demonstrasyon ng ilang grupo na karamihan ay mga kabataan sa parehong petsa noong isang taon.
Ayon kay PNP Spokesman, PCol. Allen Rae Co, bukod sa effigy, mahigpit na ipagbabawal ang pagsusunog ng mga gulong at iba pang mga bagay na madaling lumiyab sa kasagsagan ng mga aktibidad.
Giit ni Co, igagalang at itataguyod ng Pambansang Pulisya ang karapatan at kalayaan ng bawat Pilipino na maghayag ng kanilang saloobin sa nabanggit na araw.
Pero hindi aniya iyon lisensya para lumabag sa mga umiiral na batas na makapamiminsala ng kapayapaan at kaayusan.
Una rito’y itinaas na ng PNP ang FULL ALERT status sa Metro Manila simula ngayong araw kung saan, mahigit 15,000 pulis ang kanilang ipinakalat.
Gayunman, sinabi ni Co na bukod pa ito sa mga pulis na imomobilisa sa iba’t ibang urban areas sa buong bansa na magdaraos din ng mga kahalintulad na aktibidad.