Umaasa ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na magtutuloy-tuloy na ang pagbuti ng sitwasyon ng Visayas grid dahil sa ikalawang sunod na araw ay walang naitalang red alert status sa power grid.
Ayon kay NGCP Spokesperson Atty. Cynthia Alabanza, nangangahulugan ito na kahit manipis ang reserbang kuryente ay sapat pa rin ang suplay upang maiwasan ang power interruption.
Aniya, kung wala nang plantang magkakaroon ng emergency at forced outage at hindi rin sisirit ang konsumo ay posibleng mapanatili ito hanggang katapusan ng taon.
Samantala, kinumpirma rin ni Atty. Alabanza na nagpapatuloy ngayon ang testing at evaluation ng battery facilities upang makatulong na mapataas ang energy capacity ng Visayas grid.
Aniya, patuloy ang NGCP sa paghahanap ng mga posibleng additional energy sources alinsunod na rin sa utos ng Department of Energy na humanap at mag-utilize ng ancillary services upang mapalakas ang energy capacity ng Visayas power grid.