Screenshot from Suring Sining Ep. 3
Si Dr. Manuel Viola Gallego ay isa sa mga mahalagang personalidad ng kasaysayan ng Pilipinas na nag-iwan ng malalim na bakas sa larangan ng batas, edukasyon, at nasyonalismo. Bilang pamangkin ni Dr. Maximo Viola—ang bayaning nagpondo sa Noli Me Tangere ni Rizal—taglay na ni Gallego ang dugong makabayan mula pa sa pagsilang sa San Miguel, Bulacan.

Nakilala siya bilang isa sa mga matatapang na tagapagtanggol ng ating sariling wika. Noong 1932, inilathala niya ang monograpong The Language Problem of the Filipinos, kung saan matapang niyang isinulong ang paggamit ng Tagalog sa mga paaralan sa gitna ng panahong mas pinapaboran ng pamahalaan ang wikang Ingles.
Bilang pagpapatuloy sa kanyang adhikaing pangkultura, itinatag sa loob ng Manuel V. Gallego Foundation Colleges, Inc. (MVGFCI) ang Manuel V. Gallego Center for Creative Arts and Heritage Studies na nagsisilbing arkibo, museo, at pook-saliksikan na nagbibigay-buhay sa mga natatanging sining, katutubong kasaysayan, at mga mahahalagang memorabilia ng lalawigan ng Nueva Ecija. Ito ay nagsisilbing tulay na nag-uugnay sa makasaysayang pananaw ni Dr. Gallego tungo sa makabagong henerasyon.

Pumanaw man noong 1976, ang diwa ni Dr. Manuel V. Gallego ay nananatiling buhay. Siya ay nananatiling patunay na ang pinakamataas na uri ng paglilingkod ay ang pag-iiwan ng tanglaw ng karunungan para sa susunod na henerasyon.