LUNGSOD NG MAKATI, 21 Setyembre 2026— Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na patatagin ang kaligtasan sa mga paaralan kasunod ng mga kamakailang insidente ng pamamaril, naghahanda na ang Department of Education (DepEd) na ilunsad ang School Digital Safety Campaign para sa mga mag-aaral, guro, at magulang.
Binigyang-diin ng mga kamakailang insidente na ang pagpapanatili ng kaligtasan ng mga bata ay nangangailangan ng mas malawak na estratehiya na lumalampas sa kung ano ang nangyayari sa loob ng paaralan.
Habang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga pangyayari sa mga insidente, kabilang ang naiulat na online activity na may kaugnayan sa kaso sa Banga National High School, kumikilos ang DepEd upang patibayin ang kaalaman at pag-iwas sa panganib sa mga digital space kung saan madalas nakikipag-usap, natututo, at nakikisalamuha ang mga bata.
Patuloy na pinalalawak ng DepEd ang mga inisyatiba nito upang mapalakas ang kaligtasan sa mga paaralan sa iba’t ibang larangan. Kabilang sa pisikal na kaligtasan ang mga pasilidad tulad ng CCTV, metal detector, at perimeter fencing. Ang suporta sa tao at sistema ay kinabibilangan ng mga security guard, School Counselor Associate (SCA), Learner Formation Officer (LFO), at Child Protection Committee (CPC). Pinatitibay din ang kahandaan sa pamamagitan ng mga regular na drill para sa kaligtasan at emergency response.
Layunin ngayon ng Kagawaran na magdagdag ng isa pang mahalagang antas ng proteksyon: ang digital safety.
“Keeping our children safe today means understanding that their world extends beyond the classroom and into their phones, games, group chats, and social media. We need to give children, parents, and teachers the knowledge and tools to navigate these spaces safely,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.
Direktang sumusuporta ang inisyatibong ito sa nirebisang K to 10 curriculum ng DepEd, na nagpapasok ng digital citizenship, netiquette, online safety, at responsableng paggamit ng teknolohiya sa mga pangunahing asignatura tulad ng Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan (EPP)/Technology and Livelihood Education (TLE), Values Education, at Physical Education & Health mula Grade 4 hanggang 10.
Upang matiyak na ang mga araling ito ay hindi mananatili sa loob lamang ng silid-aralan, isasalin ng School Digital Safety Campaign ang mga konsepto ng kurikulum sa mga simpleng pang-araw-araw na gawain na madaling maipapatupad nang magkasama ng mga magulang at guro.
Magbibigay ang kampanya ng praktikal at angkop sa edad na gabay ukol sa ligtas na pakikipag-chat at asal sa internet, grooming at online child exploitation, cyberbullying at online harassment, privacy, scam, at pagprotekta sa personal na impormasyon. Sakop din nito ang responsableng paggamit ng social media, gaming at online safety, pagkakalantad sa marahas o nakapipinsalang nilalaman sa internet, maayos na screen time at digital well-being, pati na rin ang mga babalang senyales, pag-uulat, referral, at kung ano ang dapat gawin kapag may nangyari.
Isang pangunahing bahagi ng kampanya ang paghahanda sa mga magulang upang mas maunawaan ang digital na pamumuhay ng kanilang mga anak. Makatatanggap ang mga magulang ng praktikal na gabay kung paano makikipag-usap sa kanilang mga anak tungkol sa nakikita at nararanasan ng mga ito online, pagkilala sa mga posibleng babalang senyales, pagtatakda ng angkop na hangganan, at pag-alam kung kailan at saan humingi ng tulong.
“Parents do not have to know every app or platform their children use. But they need to keep the lines of communication open. Our children should know that when something online scares them, pressures them, or makes them uncomfortable, they can tell a trusted adult and ask for help,” dagdag ni Angara.
Bukod dito, lilinangin din ng kampanya ang kakayahan ng mga guro at kawani ng paaralan na matukoy ang mga babalang senyales, tumugon nang maayos, at maunawaan ang tamang mekanismo ng pag-uulat at referral.
Makikipagtulungan ang DepEd sa Department of Information and Communications Technology (DICT), Philippine National Police (PNP), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), National Bureau of Investigation (NBI), mga liga ng lokal na pamahalaan, at mga kaugnay na medikal na samahan upang bumuo ng mga praktikal na materyales, protocol sa referral, at mga pagsasanay para sa mga mag-aaral, guro, at magulang.
Bilang agarang susunod na hakbang, titipunin ng DepEd ang mga katuwang na ahensya at organisasyon upang buuin ang framework at mga materyales ng kampanya. Isasagawa muna ang pilot testing nito sa mga piling paaralan bago ang malawakang pagpapatupad sa buong bansa.
Ang School Digital Safety Campaign ay magiging karagdagang suporta sa patuloy na mga reporma ng DepEd sa pisikal na seguridad, staffing sa paaralan, proteksyon sa bata, at paghahanda sa emergency bilang bahagi ng mas komprehensibong pamamaraan sa kaligtasan sa paaralan.
Nanawagan ang DepEd sa mga magulang, guro, pinuno ng paaralan, lokal na pamahalaan, mga ahensya ng gobyerno, at mga komunidad na gumampan ng aktibong papel sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga bata online.
“We cannot leave our children to navigate the digital world on their own. Keeping them safe is a shared responsibility of the school, the home, government, and the community,” ayon kay Angara.
Ang ligtas na paaralan ay nangangahulugan ng ligtas na espasyo para sa ating mga anak—sa pisikal, emosyonal, at digital na paraan. | DepEd Press Release