Iminungkahi ni Deputy Speaker Janette Garin na pahintulutang mag-operate sa Pilipinas ang social media platforms gaya ng Meta, pero pagbawalan namang kumita sa pamamagitan ng advertisements kung hindi makikipagtulungan sa mga awtoridad.
Sa gitna ito ng desisyon ng Kamara na i-defer ang pagtalakay sa panukalang pondo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) hangga’t walang kongrektong hakbang na mailalatag para sa accountability ng mga social media platform
Ayon kay Garin, dapat magkaroon ng lokal na kinatawan ang Meta na maaaring tumanggap ng reklamo at agad umaksyon laban sa mapanganib na content, scam, iligal na sugal, at online recruitment.
Binatikos ni Garin ang kasalukuyang operasyon ng Meta sa bansa na aniya ay nakatuon lamang sa sales at marketing.
Giit niya, hindi dapat mahirapan ang mga awtoridad na makipag-ugnayan sa kompanya, lalo na sa mga content na maaaring magdulot ng panganib sa publiko at kabataan.
Binigyang-diin ni Garin na dapat may katumbas na pananagutan ang mga platform na kumikita sa advertising market ng Pilipinas, bagama’t kailangan pa ring tukuyin ang legal o regulatory mechanism para maipatupad ang naturang restriction.