Hinihintay pa Department of Energy (DOE) ang magiging rekomendasyon ng economic managers kaugnay ng panukalang suspensyon sa Excise Tax sa mga produktong petrolyo.
Sa panayam ng House media kay Energy Secretary Sharon Garin, dalawang linggo na ang nakalipas nang isumite ng DOE sa economic managers ang sertipikasyon na umabot na sa $80 US dollars kada bariles ang presyo ng crude oil.
Ito kasi ang itinakdang trigger para sa posibleng pagsuspinde ng Excise Tax.
Sinabi ni Garin na sinusuri pa ng economic managers ang usapin, kabilang ang posibleng epekto nito sa inflation at sa kabuuang ekonomiya.
Kapag nakapaglabas na ng rekomendasyon ang economic managers, ipararating ito sa Malacañang na siyang mag-aanunsyo ng magiging desisyon.
Sinabi ng kalihim na posibleng manatiling mataas ang presyo ng petrolyo at hindi agad bumalik sa pre-war level ang halaga nito dahil sa patuloy na epekto ng tensiyon sa Middle East.
Posible rin aniyang manatili ang ganitong sitwasyon hanggang Pasko.