Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) na patuloy ang pagpapalakas at pagpapalawak nila sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program upang mas maraming Pilipino ang makinabang rito.
Sa panayam ng Sentro Balita kay DOH Assistant Secretary for Hospital Systems Cluster Dr. Tagumpay Maniquis, aabot na sa higit walong milyong Pilipino ang natulungan sa ilalim ng MAIFIP at target itong mas paramihin pa.
Ayon kay Maniquis target na benepisyaryo ng MAIFIP program ay ang mga indigent patients at mga financially incapacitated individuals na walang maipambabayad sa gamutan sa ospital.
Paglilinaw pa ni Maniquis na hindi tulad ng Zero Balance Billing ay maaaring magamit ang MAIFIP program sa mga pribadong ospital kahit pa ang pasyente ay wala sa ward accommodation.
Tinututukan na rin ngayon ng Kagawaran ng Kalusugan ang pagpapasimple sa proseso sa ilalim ng e-MAIFIP upang gamit ang eGovPh portal ay mas madaling ma-access ang serbisyo ng MAIFIP program para sa mga nangangailangang pasyente.
Saklaw din ng MAIFIP program ang halos lahat ng isasagawang serbisyong medikal at iba pang medical procedures sa anomang ospital sa buong bansa.