Photo courtesy | United Nations Office for Project Services (UNOPS)
Ipinanawagan ni New Zealand Foreign Minister Winston Peters ang mas pinalakas na gampanin ng Estados Unidos sa Pasipiko lalo na’t mas lumalaki pa ang mga hamon sa rehiyon pagdating sa usapin ng geopolitics at seguridad.
Sa kaniyang foreign policy speech bago ang nakatakdang halalan sa Nobiyembre, tinukoy ni Peters ang missile tests, pinalawak na naval exercises at organized transnational crime bilang mga banta sa istabilidad ng rehiyon.
Aniya, bilang Pacific power, kailangang mahikayat ang Amerika na palakasin pa ang kooperasyon sa Pasipiko nang sa gayon ay masuportahan ang regional prosperity at seguridad sa lugar.
Ikinalugod din ni Peters ang kamakailang commitment ng Washington sa Pacific Island nations, kabilang na ang 150-milyong dolyar na assistance package.
Kasabay nito, iginiit din ng opisyal ang pagpapatatag sa gampanin ng New Zealand sa Pasipiko sa pamamagitan ng pagbibigay tulong, defense cooperation, at diplomasya sa mga karatig-bansa at isla sa rehiyon.