Aprubado na ng Investment Coordination Committee-Cabinet Committee ang P2.48-bilyong public-private partnership project para sa pag-upgrade at pagpapalawak ng National ID System.
Layunin ng Philippine Digital National Identity Project na mapahusay ang digital infrastructure at mga serbisyo ng National ID.
Saklaw nito ang registration, card production, authentication services at technical integration ng mga pribadong sektor na gagamit ng National ID.
Kasama rin sa proyekto ang operasyon at maintenance ng mahahalagang ICT infrastructure ng National ID System.
Ayon kay PSA Undersecretary Dennis Mapa, National Statistician and Civil Registrar General, ipatutupad ang proyekto sa ilalim ng Build-Transfer-Operate arrangement sa loob ng 20-taong concession period, kasunod ng anim na buwang transition period.
Uusad na sa procurement stage ang proyekto, kung saan maaaring hamunin o pantayan ng ibang private proponents ang proposal ng original proponent hanggang sa ikaapat na quarter ng 2026.