Nagbabala si Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya o ABKD Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia sa posibilidad ng mas pangmatagalang pagpapalawak ng presensya ng Tsina sa West Philippine Sea kasunod ng panibagong insidente sa karagatan.
Noong September 18, nagkaroon ng banggaan ang China Coast Guard vessel CCG-21585 at BRP Datu Magat Salamat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources habang nagsasagawa ang barko ng Pilipinas ng fuel assistance mission para sa mga mangingisdang Pilipino, nasa 54 nautical miles mula Palawan. Ayon sa Philippine Coast Guard o PCG, nagsagawa ng mapanganib na pagmamaniobra ang barko ng Tsina bago ang banggaan. Itinanggi naman ito ng Beijing.
Kinondena ng Department of Foreign Affairs o DFA ang insidente at sinabing nalagay sa panganib ang mga sibilyang tripulante ng barko.
Ayon kay Goitia, dapat bantayan ng Pilipinas ang mga insidente bilang bahagi ng mas malawak na galaw ng Tsina sa rehiyon at patuloy na igiit ang maritime rights ng bansa.
Nauna nang kinumpirma ng National Task Force for the West Philippine Sea o NTF-WPS ang presensya ng 6-by-6-meter floating structure sa Bajo de Masinloc noong June, na kalaunan ay inalis matapos ang diplomatic protest ng Pilipinas.
Binigyang-diin ni Goitia na dapat manatiling matatag ang Pilipinas sa pagprotekta sa mga mangingisda, barko at karapatan nito sa West Philippine Sea.