Photo courtesy of ASEAN PH 2026
Upang higit pang patatagin ang kabuhayan at kalakalan sa gitna ng mga pandaigdigang krisis, nagpulong sa Maynila ang mga Economic Ministers ng ASEAN at bansang South Korea para sa 23rd ASEAN Economic Ministers – Republic of Korea Consultation.
Pinangunahan nina Department of Trade and Industry Secretary Ma. Cristina Roque ng Pilipinas, at Minister for Trade Jung Sung Park ng South Korea ang naturang pagtitipon.
Sa ulat ng dalawang opisyal, nananatiling matatag ang ugnayan matapos magtala ng mahigit USD226-bilyon na halaga ng kalakalan at halos USD9-bilyon na investments noong nakaraang taon. Dahil dito, ang South Korea ang kasalukuyang pang-anim na pinakamalaking trading partner ng ASEAN.
Gayunpaman, ibinahagi ng mga ministro ang seryosong pagkabahala sa tensiyon sa Middle East na nagiging sanhi ng pabago-bagong suplay at presyo ng langis at gas sa mundo. Ang krisis na ito ay nagpapataas ng inflation at nagpapahirap sa operasyon ng mga maliliit na negosyo o MSMEs sa bansa.
Dahil dito, pormal nang sinimulan ngayong taon ang negosasyon para i-upgrade ang ASEAN-Korea Free Trade Agreement na target matapos bago ang taong 2027. Sa ilalim ng bagong kasunduan, tututukan na rin ang digital economy, green economy, supply chain connectivity, at kooperasyon sa enerhiya upang mas maging matatag ang rehiyon laban sa mga darating na kalamidad at krisis.
Samantala, pormal ding sinalubong sa pulong ang bansang Timor-Leste bilang pinakabagong ika-11 miyembro ng ASEAN, kung saan nangako ang South Korea na magbibigay ng teknikal na tulong para sa pag-unlad ng ekonomiya nito.