Nagsampa ang Bureau of Customs o BOC ng anim na criminal complaint sa Department of Justice laban sa may-ari at mga kinatawan ng isang importer, licensed customs broker, ilang opisyal at tauhan ng Customs at iba pang indibidwal kaugnay ng umano’y maling deklarasyon ng agricultural shipments.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, idineklarang chicken lollipops ang anim na shipment na dumating noong June 2025 ngunit nadiskubreng naglalaman ng 15,029 sako ng sariwang puting sibuyas at 2,164 kahon ng carrots.
Ang mga kargamento na nakapangalan sa Berches Consumer Goods Trading ay wala rin umanong kinakailangang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance mula sa Bureau of Plant Industry.
Kabilang sa mga reklamong isinampa ang umano’y paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act dahil sa fraudulent misdeclaration at pag-aangkat ng regulated agricultural products nang walang kaukulang clearance.
Bukod sa criminal complaints, inendorso rin ng Customs Intelligence and Investigation Service ang pagsasampa ng administrative charges laban sa mga sangkot na opisyal at tauhan ng BOC.