Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Dapat nang i-pressure ng Pilipinas ang mga social media apps na magkaroon ng mas mahigpit na regulasyon at gawing mas child-friendly ang kanilang mga platform.
Ito ang sinabi ni Education Secretary Sonny Angara nang hingan ng reaksyon kaugnay ng mga panukalang itinutulak sa Kamara na posibleng pagbabawal sa paggamit ng ilang social media platforms.
Giit niya, dapat pagtuunan ng pansin ang regulasyon at pagpapatupad ng mas mahigpit na child protection protocols ng mga social media app.
May mga online platform kasi aniya na ginagamit sa recruitment ng mga bata para sa terrorism at nihilistic violence groups.
Ipinauubaya naman niya sa Department of Information and Communications Technology o DICT ang pagtukoy kung anong uri ng regulasyon ang maaaring ipatupad, habang sinabi niyang nasa Kongreso ang pagpapasya kung magkakaroon ng batas para rito. Sa kasalukuyan may nakahaing panukala sa Kamara ang pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga bata na wala pang 13 years old, gayundin ang pagkuha ng prangkisa ng mga social media platform bago makapag-operate sa bansa.