Photo courtesy of ASEAN PH 2026
Nagpulong sa Maynila ang mga ahensya ng ASEAN at pamahalaan ng Estados Unidos para sa ASEAN Economic Ministers – United States Trade Representative Consultation upang panatilihing bukas at ligtas ang mga ruta ng kalakalan sa buong mundo.
Ang naturang mahalagang pagtitipon ay pinangunahan nina Department of Trade and Industry Secretary Ma. Cristina Roque ng Pilipinas, at Ambassador Rick Switzer, ang Deputy U.S. Trade Representative.
Sa ulat ng dalawang panig, nananatiling Estados Unidos ang may pinakamalaking ambag sa pamumuhunan matapos magtala ng mahigit USD550-bilyon na halaga ng kalakalan at USD30-bilyon na investments patungong ASEAN noong nakaraang taon.
Dahil sa mga pandaigdigang hamon, binigyang-diin ng mga opisyal ang kahalagahan ng pagpapanatiling bukas ng mga trade corridor upang hindi maantala ang suplay ng enerhiya at iba pang mahahalagang produkto sa merkado.
Kaugnay nito, pormal na ring inaprubahan ang bagong dalawang taong Work Plan sa ilalim ng Trade and Investment Framework Arrangement (TIFA).
Ang dalawang dekadang kasunduang ito ay tututok ngayon sa pagpapalago ng digital economy, pagbibigay-tulong sa mga maliliit na negosyo o MSMEs, at pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at proteksyon sa mga mamimili.