Nanawagan ang Department of Labor and Employment o DOLE sa mga pribadong employer na agad magpatupad ng mga hakbang para maprotektahan ang mga manggagawa kung may banta sa kalusugan, tulad ngayon na hindi maganda ang kalidad ng hangin.
Nilagdaan ni Labor Secretary Francis N. Tolentino noong September 18 ang Labor Advisory No. 15, Series of 2026, alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.
Sa ilalim ng advisory, kailangang magsagawa ang mga employer ng Hazard Identification, Risk Assessment, and Control o HIRAC para matukoy ang exposure ng mga empleyado sa air pollution, gamit ang Air Quality Index Matrix and Action Points o AQIMAP ng DENR at DOH.
Kapag very unhealthy ang air quality, dapat bantayan ang mga air advisory, magbigay ng kinakailangang personal protective equipment, pagandahin ang airflow at ventilation, at limitahan o suspendihin ang mga outdoor task.
Kapag acutely unhealthy, dapat ikonsidera ang flexible work arrangements. Kung umabot naman sa emergency air quality level, mariing inirerekomenda ang pagsususpinde ng non-essential work o iba pang alternatibong work arrangements.
Paalala ng DOLE, kailangang regular na i-update ng mga employer ang kanilang risk assessment habang nagbabago ang kalidad ng hangin at iba pang kondisyon sa lugar ng trabaho, upang maprotektahan ang kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa.