Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang pagpasa ng Senado sa dalawang panukalang batas na naglalayong protektahan ang mga bata sa paaralan at sa internet.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr., handa ang pulisya na tumulong sa pagpapatupad ng Comprehensive School Safety Act at ng Sagip Bata Act, katuwang ang DepEd, mga lokal na pamahalaan at mga komunidad.
Sa ilalim ng Comprehensive School Safety Act, magtatatag ng National School Safety framework para sa kaligtasan sa mga paaralan. Kabilang dito ang paglalagay ng CCTV, counseling services, emergency response system, anonymous reporting at paglilimita sa paggamit ng cellphone habang oras ng klase.
Tututukan naman ng Sagip Bata Act ang online na pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata, kabilang ang grooming, sexual extortion at mga AI-generated na sekswal na content.
Aatasan din nito ang mga online platform at payment provider na higpitan ang proteksiyon sa mga bata.
Kasabay nito, sinabi ni Nartatez na pinaiigting na umano ng PNP Anti-Cybercrime Group ang pagbabantay sa mga online platform kung saan maaaring ma-groom o mapasamantalahan ang mga kabataan.
Hinikayat naman ng PNP ang mga estudyanteng nakararanas ng banta, bullying o pang-aabuso na agad itong iulat sa pulisya.