Isasailalim ng House Prosecution Panel sa masusing pagsusuri ang mga transaksiyon ng GenCorp Industries sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagtestigo ngayong araw ng kinatawan mula sa Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS).
Ayon kay Prosecution Adviser at Spokesperson Ace Barbers, sa pag-upo sa witness stand ni PhilGEPS Official Rendell Sopeña, hayagang mailalantad ang mga detalye ng mga transaksiyon ng GenCorp sa lokal na pamahalaan ng Davao.
Ang PhilGEPS ang pangunahing ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng sertipikasyon sa mga pribadong kumpanyang nais pumasok sa mga kontrata ng pamahalaan sa pamamagitan ng government bidding.
Samantala, ngayong ika-28 araw ng paglilitis, muling sasalang sa witness stand si SEC Director Gerardo Del Rosario para sa cross-examination ng depensa at posibleng mga clarificatory question mula sa mga senator-judge.
Matatandaang sa direct examination ng prosekusyon, nailantad na halos karamihan sa mga negosyo ng mag-asawang Vice President Sara Duterte at Atty. Mans Carpio ay walang naideklarang dibidendo, hindi kumikita, at hindi rin naghain ng annual financial statement.