Sinisiyasat ngayon ng House prosecution team ang JTC Group of Companies Philippines Inc. at ang negosyanteng si Jaime T. Cruz kaugnay ng mga idineklarang interes sa negosyo ni Vice President Sara Z. Duterte.
Ayon sa prosekusyon, posibleng magbunga ito ng isyu sa ilalim ng Anti-Dummy Law.
Sinabi ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, si Cruz ay “hindi lang basta pangalan na nadamay” matapos lumabas sa mga dokumento ng Securities and Exchange Commission (SEC) na ang JTC ang mayoryang stockholder o nagmamay-ari ng Gencorp Industries Inc.—isang kumpanyang nakalista sa SALN ni VP Duterte.
Batay sa patotoo ni SEC director Gerardo Del Rosario, wala sa mga rekord ng ahensya ng Gencorp ang pangalan ni VP Sara bilang incorporator, director, o stockholder.
Ayon kay Adiong, sisisyasatin ng Prosekusyon kung bakit idineklara ni Duterte ang Gencorp sa kanyang SALN kahit wala siya sa mga opisyal na rekord ng korporasyon bilang stockholder.
Binigyang-diin ng mambabatas na mahalagang masundan ang ugnayan sa pagitan ni Duterte, ng Gencorp, at ng JTC upang linawin kung bakit ito nakalista sa kanyang SALN gayong hindi siya ang lumalabas na beneficial owner sa mga dokumento ng SEC.