Iginiit ng Department of Energy (DOE) na walang direktang kontrol ang pamahalaan pagdating sa pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo.
Kaugnay pa rin ito ng ipinatupad ngayong araw na big time na taas-presyo sa langis.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, pangunahing dahilan pa rin ng pagsipa ng presyo ng krudo ay ang patuloy na pagmahal ng dolyar at sigalot sa Gitnang Silangan kung saan apektado na rin ang ibang mga bansa, na dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis sa international market.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Garin na hindi na inaasahang aakyat pa sa higit ₱20 ang presyo ng kada litro ng petrolyo sa mga susunod na linggo.
Pagdating sa tanong kung hanggang kailan ito mararamdaman ay posibleng hanggang pagtatapos ng taon ay mararamdaman pa rin ang mataas na presyo ng langis.
Kaya naman payo ng DOE na maging wais at matipid sa paggamit ng petrolyo upang maiwasan ang mataas na konsumo nito.