Nanawagan ang House prosecution panel sa Securities and Exchange Commission o SEC na maging mas maagap sa pagtukoy sa mga opisyal ng gobyerno na nananatiling nakalista sa mga aktibong posisyon sa mga korporasyon.
Kasunod ito ng mga rekord na iniharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng kanyang mga business interest.
Ayon kay prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, dapat na agad ma-flag ng SEC ang mga opisyal na saklaw ng pagbabawal sa ilalim ng Article VII, Section 13 ng Konstitusyon.
Sa ilalim nito ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga miyembro ng Gabinete, at kanilang mga deputy o assistant ay bawal humawak ng ibang posisyon o trabaho habang nasa kanilang termino, maliban kung may ibang itinatadhana ang Konstitusyon.
Ipinagbabawal din sa kanila ang pag-practice ng ibang propesyon, paglahok sa anumang negosyo, o pagkakaroon ng pinansyal na interes sa mga kontrata, prangkisa, o espesyal na pribilehiyo ng pamahalaan.
“Dapat maging proactive din, being a regulatory board, ang SEC, na they don’t just wait until the person, the Vice President or President or the Cabinet member, to voluntarily divest,” ani Alonto Adiong.
Kabilang sa lumutang sa pagdinig ang Metro City Chow Foods Corporation kung saan nakalista si Duterte bilang stockholder at director mula 2022 hanggang 2025.
Sinabi naman ng SEC na wala itong partikular na guidelines para sa ganitong constitutional issue, at ang Senate impeachment court ang dapat magpasya kung may naganap na paglabag.
Pero giit ni Alonto Adiong na hindi dapat hintayin ng regulatory agency na kusang mag-divest ang mga opisyal bago ito kumilos o magbigay ng abiso.
“I understand na ang position ng SEC, wala silang guidelines…Kung meron mang ganong nangyari na upon assumption in the office at hindi pa sila nag-divest, that should have been one way to flag these officials and make them understand they are not allowed to continue on doing business while they’re elected in these particular offices mentioned under Article VII, Section 13,” dagdag ni Alonto Adiong.