Magkakaroon ng kabuhayan ang mga kwalipikadong persons with disabilities sa Pampanga bilang local operators ng “Love Bus” sa ilalim ng Persons with Disabilities through Electric Transportation Services o PWD-ETS Project.
Kasunod ito ng pormal na paglagda sa isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng MVP Group of Companies at Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga para sa pagpapatupad ng proyekto.
Ayon sa DSWD, pangungunahan nito ang pag-oorganisa ng Sustainable Livelihood Program Associations o SLPAs na bubuuin ng mga persons with disabilities na magsisilbing operators ng Love Bus.
Sa ilalim ng proyekto, walong Love Bus ang ilalaan ng DSWD at karagdagang walong unit mula sa MVP Group of Companies.
Layon ng proyekto na magbigay ng sustainable livelihood sa mga PWD habang nakatutulong din sa pagpapalawak ng accessible na pampublikong transportasyon sa lalawigan.
Sa ilalim naman ng partnership, tutukuyin at ibe-validate ng DSWD, sa pamamagitan ng SLP, ang mga kwalipikadong kalahok sa Pampanga, habang makikipag-ugnayan naman ang Provincial Government of Pampanga sa mga LGU para sa mobilisasyon ng mga kwalipikadong participant at magbibigay ng kinakailangang logistical at administrative support para sa proyekto.