Suportado ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes ang panukala ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na isailalim sa civil service laws and rules ang mga opisyal ng barangay.
Ayon kay Ordanes, kailangang itaas ang qualification standards para sa mga halal na barangay chairperson at kagawad dahil humahawak ang mga ito ng pondo ng bayan at nangangasiwa sa mga programa at proyekto.
Iminungkahi ng mambabatas na amyendahan ang Local Government Code of 1991 upang gawing requirement sa mga barangay official ang hindi bababa sa high school graduation at pagpasa sa Civil Service Subprofessional Examination.
Nais din ng mambabatas na magkaroon ng komprehensibong barangay civil service system para sa mga regular na kawani gaya ng barangay secretary, treasurer, budget officer, administrator, clerks, administrative assistants, at DRRMO officer.
Samantala, sinabi niyang dapat ding iayon sa kwalipikasyon ang salary grade ng mga kawani at mabigyan ng permanenteng plantilla positions at buong benepisyo sa ilalim ng civil service.
Para naman sa barangay tanod, driver, at utility personnel, iminungkahi ni Ordanes ang minimum na elementary education at pagpasa sa isang equivalency assessment.