Aprubado na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Sagip Bata Act o Senate Bill No. 1819, na naglalayong palakasin ang proteksiyon sa mga bata laban sa online sexual abuse, exploitation at iba pang uri ng online violence.
Sa kanilang mga pahayag ng suporta sa panukala, binigyang-diin nina Senadora Risa Hontiveros, Senador Kiko Pangilinan at Senador Joel Villanueva ang pangangailangang palakasin ang mga mekanismo ng gobyerno at pribadong sektor para maiwasan ang pang-aabuso sa mga bata online.
Sa ilalim ng panukala, papalawakin ang mga hakbang laban sa online grooming, luring, child sexual extortion, image-based sexual abuse, livestreamed exploitation at produksyon at distribusyon ng child sexual abuse and exploitation material, kabilang ang AI-generated o manipulated sexual depictions ng mga bata.
Inaatasan din ang technology platforms, internet intermediaries, payment-service providers at virtual-asset providers na magpatupad ng mga safety measures, reporting channels at age-assurance o age-verification mechanisms.
Ayon kay Pangilinan, tinatayang dalawang milyong batang Pilipino ang nakaranas ng malulubhang uri ng online sexual abuse o exploitation, batay sa UNICEF-ECPAT-INTERPOL Disrupting Harm study.
Samantala, sinabi ni Hontiveros, na siyang pangunahing sponsor at author ng panukala, na dapat sabayan ng sapat na pondo at kagamitan ang mga bagong tungkuling ipinagkakatiwala sa mga law enforcement agencies, partikular sa Philippine Internet Crimes Against Children Center.
Nagbabala rin ang senador laban sa anumang pagkaantala sa panukala dahil sa interes ng malalaking technology companies.
Ayon naman kay Villanueva, mahalagang matiyak na hindi lang mananatili sa papel ang batas kundi maipatupad nang epektibo para maprotektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso at exploitation.