Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging mapanuri sa mga nakikita sa social media gayundin ay seryosohin ang anumang uri ng mga pagbabanta o pananakot.
Ito’y ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. makaraang tumugon ang Pulisya sa mga ulat na kanilang natanggap sa Sultan Kudarat at sa South Cotabato.
Ayon kay Nartatez, dapat malaman ng publiko ang kahalagahan ng responsableng paggamit ng social meda gayundin aniya ang pangangailangan na mai-ulat agad ang anumang online content na nagdudulot ng takot at panganib sa kaligtasan ng publiko.
Una rito, napigilan ng Pulisya ang tangkang pamamaril ng isang estudyante ng Kapingkong National High School sa Lambayong, Sultan Kudarat matapos mabisto ang plano nito sa kaniyang Facebook post.
Isa pang insidente sa Tupi, South Cotabato kung saan, naaresto ang isang 18-taong gulang na estudyante matapos itong mag-post ng mga larawan sa social media na may hawak pang mga baril.
Sinabi ng PNP Chief, magsilbing paalala ito sa lahat na ang social media ay hindi lugar para maghasik ng takot at karahasan dahil malaki ang epekto nito sa totoong buhay lalo’t kung marami ang mapapahamak.