Maaari nang muling mag-avail ng ₱12 kada litrong fuel discount ang mga kwalipikadong public utility jeepney at UV Express driver at operator sa mga piling gasolinahan.
Kasunod ito ng pag-apruba ng Commission on Elections (COMELEC) sa hiling ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ma-exempt sa election ban ang Fuel Subsidy Program, kabilang ang fuel discount.
Ayon sa LTFRB, muling naging available ang discount bandang 9:30 kagabi para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Good news naman ito sa tsuper na si Jun na palagi raw nagpapagasolina sa mga may diskwento lalo na ngayong mataas pa rin ang presyo ng produktong petrolyo.
Si Tatay Limuel naman matagal na ring nakikinabang sa fuel discount bagamat aminadong hindi ito sapat para matugunan ang patuloy na pagtaas ng kanilang gastusin.
Samantala, magkakaiba ang pananaw ng mga tsuper sa panawagan para sa taas-pasahe. May ilang pabor na itaas ang minimum fare sa ₱15, habang may iba namang nag-aalalang dagdag-pasanin ito para sa mga commuter.
Tiniyak naman ng LTFRB ang pagpapatuloy ng iba pang aprubadong programa ng DOTr para sa kapakinabangan ng mga driver, operator at commuter, alinsunod sa mga kondisyon ng COMELEC.
