Bilang ASEAN 2026 Chair, isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang stockpiling o pag-iimbak ng suplay ng krudo sa mga ASEAN member states.
Layunin nitong matiyak ang sapat na suplay ng langis sa rehiyon, lalo na sakaling magkaroon ng kakapusan nito na maaaring makaapekto sa sektor ng enerhiya sa gitna ng nagpapatuloy na tension sa Middle East.
Sa press briefing matapos ang 58th ASEAN Economic Ministers Meeting and Related Meetings sa Pasay City nitong Martes, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque na maaaring makatulong ang mekanismo upang makapag-ambag ang ibang ASEAN member states sa bansang nakararanas ng kakapusan sa suplay.
Samantala, sinabi ni Roque na naging matagumpay ang serye ng mga pagpupulong ng ASEAN economic ministers at kanilang mga dialogue partners, na kanyang pinangunahan, tungo sa pagpapatatag ng ugnayang pangkalakalan sa gitna ng mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya.
Kumpiyansa rin si Roque na tuluyan nang mapagtitibay sa Nobyembre ang ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA), ang pinakaunang region-wide digital economy treaty sa buong mundo na inaasahang makatutulong sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na makasabay sa patuloy na paglago ng digital economy sa rehiyon.