Pinaiimbestigahan na ng Philippine Army ang nag-viral na video sa social media hinggil sa umano’y paggamit ng drone ng militar sa opensiba nito kontra Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ito’y sa gitna na rin ng pagmamalaki ng militar na nalupig na nila ang naturang grupo na dahilan naman ng pagtatag ng seguridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Binigyang diin ni Army Chief, LtGen. Donald Gumiran, na hindi nakaapekto sa nakalipas na BARMM Parliamentary Elections ang naitalang ‘isolated’ incidents gaya ng nangyaring pamamaril at pagsabog sa Cotabato City, noong bisperas ng halalan.
Giit ni Gumiran, ginagamit lamang nila ang drones kapag nagsasagawa sila ng intelligence, surveillance, and reconnaissance (ISR) gayundin ng humanitarian assistance and disaster response (HADR) operations.
Sa kasalukuyan, sinabi ng Army Chief na bineberipika na ito ng 6th Infantry Division na siyang nagsagawa ng operasyon sa BARMM laban sa BIFF sa Brgy. Manaulanan, Tugunan na nasa Special Geographic Area sa BARMM noong Setyembre 19.