Siniguro ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang suporta ng pamahalaan sa mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs upang makasabay sa pagsusulong ng green economy, kabilang ang pagbabawas ng plastic waste.
Aminado si DENR Undersecretary Jonas Leones na hindi basta-basta ang paglipat ng mga MSME mula sa single-use plastics dahil mangangailangan ito ng malaking investment para sa mga alternatibong packaging ng kanilang mga produkto.
Gayunman, tiniyak niyang patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang development ng teknolohiyang makalilikha ng mas abot-kayang alternatibo sa plastic. Tutulungan din ng gobyerno ang mga MSMEs na makapag-transition sa mas environment-friendly na mga proseso.
Ayon naman sa Head of Cooperation ng European Union na si Dr Marco Gemmer, naglaan ang EU ng P4.2 billion na pondo bilang suporta sa pamahalaan ng PIlipinas sa pagsusulong ng green economy.
Kaugnay nito, pinangunahan ng DENR ang ASEAN Regional Dialogue on Circular Economy sa Makati City, Layunin nito na pag-ugnayin ang iba’t ibang sektor lipunan para sa mas epektibong pagpapatupad ng circular economy.
Sa ilalim ng circular economy, ang mga dating itinuturing na basura ay maaaring gawing kapaki-pakinabang na resources para makalikha ng mga oportunidad sa kabuhayan tungo sa pagunlad ng ekonomiya, habang nababawasan ang basura sa kapaligiran at mapangalagaan ang kalikasan. Bagay na alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.