Isinusulong ng mga peace advocates ang mas matibay na peace education at digital peacebuilding upang maiwasan ang karahasan sa mga paaralan, kasabay ng panawagang palakasin ang mga hakbang para sa school safety.
Sa side event ng ASEAN Peace Education High-Level Conference sa Quezon City, sinabi ni Dr. Acram Latiph, Executive Director ng Institute for Peace and Development in Mindanao ng Mindanao State University, na kailangang paghandaan ng mga paaralan ang posibleng insidente ng karahasan, kabilang ang aktibong pag-atake.
Kabilang sa kanyang mungkahi ang pagsasagawa ng shooting drills gaya sa Estados Unidos, pagpapalakas ng seguridad sa mga paaralan, at mas mataas na police visibility sa paligid ng mga campus.
Samantala, binigyang-diin ni Bai Rohaniza Sumndad-Usman, Executive Director ng Teach Peace Build Peace Movement, ang kahalagahan ng preventive approach sa pamamagitan ng peace learning.
Ayon sa mga panelist, hindi sapat ang pagtugon lamang kapag may naganap nang insidente. Kailangang ituro sa mga kabataan ang conflict resolution, empathy, dialogue, at digital resilience bilang bahagi ng kanilang edukasyon.
Ito rin ang naunang panawagan ng mga speakers sa Day 2 ng ASEAN Peace Education, na maging bahagi ng curriculum ng mga kabataan ang edukasyong pangkapayapaan.