Tiniyak ng Quezon City Government na nakahanda itong umagapay sa mga pasahero sakaling matuloy ang nakaambang transport strike sa susunod na linggo.
Ayon kay QC Traffic and Transport Management Department Chief Dexter Cardenas, may regular na 89 QC Libreng Sakay buses na maaaring magsilbi sa mga pasahero.
Nakaantabay din ang dalawang rescue vehicle, dalawang bus personnel carrier, at mga sasakyan ng 142 barangay sa lungsod para sa mga posibleng ma-stranded.
Ayon kay Cardenas, sa mga nakaraang transport strike ay walang naitalang malawakang pagka-stranded ng mga pasahero dahil sa mga standby vehicle ng QC LGU at mga barangay.