Tinatayang ₱8.5 million ang kakailanganin ng Commission on Elections para magsagawa ng special election sa Batanes kasunod ng pagpanaw ni Rep. Ciriaco Gato Jr.
Ayon kay Comelec Chair George Erwin Garcia, target nilang isagawa ang special election sa December 19.
Sa ngayon ay hahanap muna ang Comelec ng pondo mula sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng pagtitipid sa mga umiiral na programa at proyekto.
Alinsunod sa ruling ng Korte Suprema, obligado ang Comelec na magsagawa ng special election para sa mga bakanteng pwesto kahit wala pang pondo at hindi na nila kailangan ng pahintulot ng Kongreso para gawin ito sa loob ng 60 hanggang 90 araw.
Hindi naman pinagbigyan noon ng executive branch ang kahilingang supplemental funding ng Comelec para sa naunang special elections ng Antipolo City at Dasmariñas City.