Binigyang-diin ng mga youth leaders mula sa iba’t ibang bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na hindi dapat ituring ang kabataan bilang mga tagapakinig lamang, kundi bilang aktibong katuwang sa paghubog ng mga polisiya at programang may kaugnayan sa kapayapaan.
Ito ang naging sentro ng plenary session na “Youth as Catalysts for Peace” sa ikalawang araw ng ASEAN Peace Education High-level Conference.
Ayon sa mga panelist, mahalagang mabigyan ang kabataan ng tunay na pagkakataong makilahok sa pagbuo ng mga solusyon, mula sa pagpaplano hanggang sa pagpapatupad ng mga programa. Ibinahagi rin nila na dapat, higit sa simpleng konsultasyon ay kilalanin ang kabataan bilang mga kapwa tagapagpasya. Iginiit din nila ang pangangailangang palakasin ang lokal na suporta, pagpopondo, at mga mekanismong magbibigay ng mas malaking papel sa kabataan sa usaping pangkapayapaan.
Ang talakayan ay bahagi ng layunin ng ASEAN na palakasin ang papel ng kabataan sa pagbuo ng isang mapayapa at matatag na rehiyon.
Ayon sa tala ng ASEAN, binubuo ang rehiyon ng nasa mahigit 213 milyong kabataan o halos isang-katlo ng populasyon na nasa edad 15 hanggang 34.