Inalis na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang ipinataw na ban sa online messaging platform na Discord.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, kasunod ito ng pakikipag-ugnayan ng mga kinatawan ng Discord sa ahensya at sa Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) para tugunan ang mga usapin sa online child safety.
Ayon naman kay CICC Executive Director Undersecretary Aboy Paraiso, nangako ang Discord na magkakaroon ng Philippine presence at magtatatag ng green-lane mechanism para mapabilis ang government requests para sa takedown ng harmful content at pagtukoy sa mga threat actor.
Ipinaliwanag ni Aguda na dahil encrypted o secured ang komunikasyon sa Discord, hindi agad nakikita ng mga magulang ang mga pinag-uusapan ng kanilang mga anak sa platform.
Inamin din umano ng Discord na may mga kailangang ayusin sa kanilang platform, partikular kaugnay ng mga kaso ng NVE o nihilistic violent extremism.
Nilinaw ng DICT na hindi lamang Discord at Reddit ang tinututukan ng pamahalaan, ngunit naunang binigyang-pansin ang dalawang platform dahil lumitaw ang mga ito sa imbestigasyon kaugnay ng mga batang sangkot sa mga kamakailang insidente ng school shooting.
Humingi naman ng paumanhin si Paraiso sa mga lehitimong gumagamit ng Discord na maaaring naapektuhan at naabala dahil sa ipinatupad na ban.