Nakipag-ugnayan na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pamahalaan ng Estados Unidos para humingi ng tulong sa pakikipag-ugnayan kay Meta CEO Mark Zuckerberg.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, mahigit isang taon na nilang kinakausap ang META at dalawang liham na rin ang ipinadala nila kay Zuckerberg upang makuha ang kooperasyon ng Meta sa mga usapin ng online child safety.
Katunayan mayroon na aniyang draft Memorandum of Understanding ang DICT na naglalaman ng mga child safety protocols na hinihingi ng Pilipinas.
Sinang-ayunan naman aniya ito ng META pero hanggang ngayon ay hindi pa nilalagdaan.
Aniya, hindi naman dapat tingnan na desperado ang pamahalaan sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa Meta dahil layunin nitong maresolba ang problema sa pamamagitan ng pakikipag-usap at due process.
Isa rin umano sa tinitingnan ng gobyerno ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso kung hindi makikipagtulungan ang platform.
Binanggit ni Aguda ang mga isinampang kaso sa Estados Unidos at European Union kaugnay ng ‘legitimate damages’ sa mga kabataan ng social media platforms.
Sa Estados Unidos, umabot sa $18 billion ang settlement ng Meta sa mga kaso ng mga estado kaugnay ng umano’y harmful at addictive effects ng Facebook at Instagram sa mga kabataan.
Gayunman, sinabi ni Aguda na mas nais pa rin ng pamahalaan na makipag-usap at makuha ang kooperasyon ni Zuckerberg bago humantong sa paglilitis sa korte.