Bakit kailangan na ang isang Pilipinong umabsent sa trabaho, bumiyahe patungo sa tanggapan ng gobyerno, kinumpleto ang lahat ng requirements, at pumila nang matagal, pero uuwi pa rin nang walang driver’s license o passport dahil lang naubusan ng plastic cards o booklet ang pamahalaan?
Para kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim Robert C. De Leon, hindi dapat maging paulit-ulit na problema ng gobyerno ang mga pangangailangang regular namang inuulit bawat taon.
“Eh alam naman nating kailangan iyan taon-taon. Bakit tayo nauubusan?” tanong ni Secretary De Leon sa Episode 11 ng A.S.K. — Alamin kay Sec. Kim, kung saan ipinaliwanag niya kung paano makatutulong ang mas maayos na pangmatagalang pagpaplano at multi-year contracting upang maiwasan ang mga supply gap at pagkaantala sa serbisyo na maaari namang maiwasan.
Binigyang-diin ng kalihim na maraming pangangailangan ng gobyerno ang hindi naman biglang nawawala pagdating ng Disyembre 31. Ang mga license card na kailangan ngayong taon ay kakailanganin pa rin sa susunod na taon. Ganito rin ang sitwasyon sa mga passport booklet at iba pang regular at paulit-ulit na pangangailangan ng pamahalaan.
“Kung pangmatagalan ang pangangailangan, dapat marunong din tayong magplano nang pangmatagalan,” Secretary Kim De Leon said.
Binigyang-diin niya na kapag hindi napaghandaan ng pamahalaan ang mga paulit-ulit na pangangailangang ito, ang epekto ay hindi lamang nararanasan sa mga tanggapan ng gobyerno, kundi higit sa lahat ng mga ordinaryong Pilipino.
“Kapag nagkaroon ng gap, hindi lang naman government office ang naaabala. Nandiyan ang ating kapwa Pilipinong naghihintay ng lisensya. May pamilyang naghihintay ng passport para maka-biyahe. May oras at pagkakataong puwedeng masayang. At iyan ang gusto nating maiwasan,” diin niya.
Ipinaliwanag ni Secretary Kim na dito maaaring maging kapaki-pakinabang ang multi-year contracting. Para sa mga locally funded na multi-year project o pangangailangang saklaw ng mga alituntunin ng DBM, nagbibigay-daan ang Multi-Year Contractual Authority (MYCA) sa isang ahensya ng pamahalaan na pumasok sa kontratang higit sa isang taon, kung naaangkop ang ganitong arrangement sa naturang pangangailangan.
Kapag maayos na naipatutupad, makatutulong ang multi-year arrangement upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng mahahalagang produkto o serbisyo sa mga susunod na taon. Nakapagpapahusay din ito sa pagpaplano dahil mas maagang natutukoy ng mga ahensya ang kanilang kabuuang pangangailangan at kaukulang pondo, habang napapahusay ang procurement at delivery arrangements alinsunod sa pangmatagalang pangangailangan ng pamahalaan.
Maaari rin itong magbigay ng potensyal na pagtitipid, alinsunod sa mga naaangkop na alituntunin ng DBM. Gayunman, binigyang-diin ni Sec. Kim na hindi nangangahulugang mas mura agad ang isang kontrata dahil lamang mas mahaba ang saklaw nito.
“Hindi porke mas mahaba ang kontrata, automatic nang mas mura,” aniya, at ipinaliwanag na sinusuri pa rin taon-taon ang kondisyon ng merkado at aktuwal na mga gastusin. Kapag kinakailangan at pinahihintulutan ng mga naaangkop na alituntunin, maaari ring muling pag-usapan o i-renegotiate ang presyo ng kontrata.
“So hindi ito tungkol sa paggawa lang ng mas mahabang kontrata. Ang tanong lagi: Ito ba ang pinakaangkop na arrangement, at mas magiging sulit ba ang pera ng taumbayan?” dagdag niya.
Nilinaw rin ni Secretary De Leon ang pagkakaiba ng pangmatagalang pagpaplano at pangmatagalang awtoridad sa paggastos, at binigyang-diin na ang pagpasok sa isang multi-year contractual commitment ay hindi nangangahulugang hawak na o maaari nang gastusin agad ng pamahalaan ang buong halagang para sa lahat ng taon ng kontrata.
“Long-term ang kontrata. Pero hindi long-term blank check. May budget discipline pa rin every year. May rules pa rin. At may accountability pa rin sa bawat piso,” diin niya.
Sa madaling salita, aniya: “Ang multi-year contract ay para sa continuity. Ang annual budget process ay para sa accountability.”
Nilinaw din ng Budget Secretary na hindi lahat ng regular at paulit-ulit na pangangailangan ng pamahalaan ay dapat awtomatikong ilagay sa ilalim ng multi-year contract. Dapat pa ring ibatay ang naaangkop na arrangement sa uri ng pangangailangan, mga umiiral na procurement rules, at kung alin ang makapagbibigay ng pinakamainam na halaga para sa taumbayan.
Sa ilalim ng New Government Procurement Act, maaari ring i-renew ang mga kuwalipikadong regular at recurring services, alinsunod sa mga itinakdang kondisyon at safeguards.
Para kay Secretary De Leon, kung gayon, ang tunay na tanong ay hindi lamang kung dapat bang magsagawa ng procurement ang pamahalaan taon-taon o gumamit ng multi-year arrangement.
“Ang dapat nating itanong: ‘Ano ang pinakamagandang paraan para tuloy-tuloy ang serbisyo, sapat ang supply, at sulit ang pera ng bayan?’” aniya.
Ibinalik niya ang usapan sa isang Pilipinong nakapila para kumuha ng lisensya o passport—isang mamamayang hindi naman kailangang maunawaan ang procurement rules, budget terminology, o MYCA para lamang makakuha ng pangunahing serbisyo ng pamahalaan.
“Hindi naman niya iniisip kung annual procurement ba iyon. Hindi niya iniisip kung may MYCA ba o wala. Ang gusto lang niya: kapag kailangan niya ang gobyerno, handa ang gobyerno. May supply. May serbisyo. Hindi sayang ang oras niya,” ayon kay Secretary De Leon.
Binigyang-diin niya na sa huli, ang mas maayos na pangmatagalang pagpaplano ay hindi para gawing mas maginhawa ang mga kontrata ng pamahalaan para sa sarili nitong mga tanggapan, kundi upang maging mas maaasahan ang mga serbisyong pampubliko para sa mga mamamayang pinaglilingkuran nito.
“Hindi lang para mas maayos ang kontrata ng gobyerno—kundi para mas maayos ang serbisyong natatanggap ng Pilipino. Dahil sa likod ng bawat kontrata at bawat pisong ginagastos natin, may serbisyong kailangang maihatid at may mamamayang hindi dapat paghintayin,” pagtatapos ng Budget Secretary.
Ang A.S.K. o Alamin kay Sec. Kim ay serye ng pampublikong impormasyon ng DBM na nagpapaliwanag sa pambansang badyet, mga proseso nito, at mga konseptong madalas na hindi nauunawaan sa simple at madaling maintindihang paraan—dahil hindi dapat nakalilito ang budget; dapat itong maunawaan ng bawat Pilipino. | Press release mula sa Department of Budget and Management (DBM)