Tinatayang aabot sa mahigit ₱61 bilyon ang pondo para sa operasyon ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa, sa ilalim ng panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP).
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mas mataas ito kumpara sa mahigit ₱60 bilyon na inilaan noong 2026.
Bahagi ito ng patuloy na pagtaas ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga paaralan, na nakabatay sa bilang ng mga mag-aaral.
Halos nadoble kasi ang MOOE para sa mga pampublikong paaralan sa loob ng limang taon, mula sa mahigit P30 bilyon noong 2022.
Sa panukalang 2027 budget, ₱2,982 bawat mag-aaral ang MOOE allocation para sa Kindergarten hanggang Grade 6, mula sa ₱2,792 noong 2026.
Para naman sa Junior High School, aabot sa ₱2,744 bawat mag-aaral ang alokasyon, habang ₱3,558 bawat mag-aaral ang ilalaan sa Senior High School.
Ipatutupad din ng DepEd ang Simplified Normative Funding Formula upang gawing mas simple at patas ang pamamahagi ng pondo.
Ayon sa DepEd, layunin ng reporma na mabawasan ang proseso sa paglalaan ng pondo, upang higit na matutukan ng mga guro ang pagtuturo at serbisyo.